Friday, December 18, 2020

Si Papa Gong at Ang Kanyang Mga Kaibigan


    Si Papa Gong at Ang Kanyang Mga Kaibigan
          Kwentong pambata ni: Joanna Barbacena


                                  Mula nang mapasukan ng straw ang ilong ni Papa Gong, bihira na lamang siyang mamasyal sa ibabaw ng karagatan sa takot na mapahamak ulit dahil sa mga basurang tao. Ilang araw rin siyang nananatili sa kanyang bahay para maiwasan ang mga ganoong problema.

Isang araw, habang nag hahanap ng pagkain si Papa Gong, nakasalubong niya si Doktora Pugita.

“Masarap mamasyal ngayon dahil walang katao-tao. Nababawasan narin ang mga basura sa ating lugar dahil wala nang dumudumi rito,” ani Doktora Pugita.

Sinabi ito ni Papa Gong kina Luz Bangus at Patty Pating. “Magandang balita. Maaari na ulit tayong mamasyal sa ibabaw ng karagatan”, masayang sabi ni Luz Bangus.

Kahit may kaunting takot parin, namasyal ang magkaibigan sa karagatan. Hindi na nila pinasama si Papa Gong dahil nag papagaling pa ito sa kanyang namamagang ilong. Nangako naman ang dalawa na dadalhan siya nito ng pagkain.

“Hayyyyy. Ang sarap ng hangin.” wika ni Patty Pating.

 Ilang oras din silang nagpaikot-ikot sa ibabaw ng karagatan. Marami silang nakakasalubong na namamasyal din. Kapag nakakakita sila ng basura, dali-dali silang umiiwas dito. May isang pagkakataon na nakarinig sila ng tunog ng isang bangka. Dali-dali silang lumangoy pailalim para maiwasan narin ang parating na panganib. Nagpatuloy sa paglangoy ang dalawa.

Hindi nila alam na sinusundan sila ni Papa Gong at nang lumangoy pailailim ang dalawa ay hindi na niya ito nakita pa kaya mag-isa na lamang siyang namasyal. Marami siyang nakitang kung ano-anong bagay pero takot na takot siyang hawakan ang mga ito. Napagod sa paglangoy si Papa Gong kaya nagpahinga muna siya sa isang bato. Totoo nga ang sinabi ni Doktora Pugita. Wala siyang nakitang taong lumalangoy at naglalaro sa dagat pero may mga kaunting basura parin.

“Sana ganito lagi. ”sabi ni Papa Gong.

Natapos ang araw na iyon nang masaya. Walang masamang nangyari at lahat sila ay ligtas na nakauwi sa kanilang bahay. Hindi narin nalaman nina Patty Pating at Luz Bangus na sinundan sila ni Papa Gong.

Dahil sa sobrang tuwa,nag-usap sina Papa Gong, Luz Bangus, at Patty Pating na mamasyal ulit nang sama-sama. Niyaya ni Papa Gong si Doktora Pugita para mapasalamatan narin sa pagtanggal nito ng straw sa kaniyang ilong. Pumayag naman si Doktora Pugita.

Kinaumagahan, handa na ang apat para mamasyal. Tuwang-tuwa sila habang lumalangoy papunta sa ibabaw ng dagat. Mula sa ‘di kalayuan, nakakita si Papa Gong ng mga taong nagtitipon-tipon.

“Huwag tayo rito! Maraming tao!, ”takot na takot nasabi ni  Papa Gong sa tatlo niyang kasama.

 Hindi ito pinakinggan nina Patty Pating at Luz Bangus.  Hindi na gumalaw pa si Papa Gong sa takot na baka makakain ulit siya ng basura. Hinintay niyang bumalik sina Luz Bangus at Patty Pating. Habang papalayo ang dalawa, nakaamoy si Doktora Pugita ng masangsang na amoy.

”Aha! Alam ko ang amoy na ito!” wika ni Doktora Pugita.

Maya-maya ay naamoy narin ito ni Papa Gong.

“Ano ang amoy na ‘yan Doktora Pugita? ”

tanong ni Papa Gong.

“Sigurado ako na amoy ‘yan ng mga kemikal na nahalo

 na sa tubig-dagat,” tugon ni Doktora Pugita.

“Saan galing ang kemikal Doktora Pugita?” tanong ulit ni Papa Gong.

“Galing sa pabrika at mga lugar na gumagamit ng mga kemikal. Masama ito para sa atin maging sa mga tao, ”tugon naman ng Doktora.

Nang marinig ito ni Papa Gong ay dali-dali niyang hinabol sina Luz Bangus at Patty Pating. Pero huli na ang lahat dahil nalason na ang dalawang kaibigan. Kasama ng iba pang isda, sina Luz Bangus at Patty Pating ay nag palutang-luting sa malapit sa dalampasigan. Maraming tao ang nakapalibot sa mga patay na isda.

Lumangoy papunta sa malaking bato si Papa Gong; malayong-malayo sa mga tao. Hindi napigilan ni Papa Gong na maiyak. Ang kanyang mga kaibigan na sina Luz Bangus at Patty Pating ay wala na. Malungkot na umuwi si Papa Gong kasama si Doktora Pugita.

“Kailangan nila itong pagbayaran! ”galit na sabi ni Papa Gong.

“Ang Reyna na ang bahala sa kanila, ”sagot ni Doktora Pugita.

Hindi nila alam na nakita ng Reyna ng Kalikasan ang lahat. Nakita niya kung paano itinapon ng tao ang basura na galing sa pabrika. Kaya pinarusahan niya ang mga ito. Nagkaroon ng iba’t ibang sakit tulad ng kolera at malarya, particular

sa bayan na pinagmumulan ng mga kemikal na nakakalason. Ang sakit na ito ay galing sa maruming tubig na iniinom o ginagamit. Dahil dito, natakot ang mga tao.

Araw-araw ay nananalangin sila sa kanya-kanya nilang bahay. Kasabay ng pagdarasal, unit-unti nilang inayos ang kapaligiran. Nilinis nila ang dalampasigan. Nakiusap ang mga residente sa mga pabrika na iwasan ang paggamit ng masasamang kemikal o ‘di kaya’y itapon nang maayos ang mga basura nito sa tamang lugar; malayo sa tao, malayo sa karagatan. Gumawa rin ng alituntunin ang kanilang barangay tungkol sa pagtapon ng basura.

Nakita ng Reyna ng Kalikasan na bumabalik na ang pagmamalasakit ng mga tao sa kanilang kapaligiran. Makalipas ang ilang buwan, naging malinis na ulit ang tubig na binibigay ng Reyna ng Kalikasan sa mga taong baying iyon.

Isang araw, habang naghahanap ng pagkain si Papa Pagong , nakasalubong niya ulit si Doktora Pugita.

“Masarap mamasyal ngayon kahit may mga tao. Natuto na silang pahalagahan ang kalikasan kaya unti-unti nang nawawala ang mga basura. Hindi narin sila nagtatapon ng mga nakakalasong kemikal sa karagatan, ”ani Doktora Pugita.

Napangiti na lamang si Papa Gong. Naalala niya sina Luz Bangus at Patty Pating.

“Hayyyy. Napakagandang balita. ”Mahinang sabi ni Papa Gong sa kanyang sarili.

Mula noon ay Malaya nang nakakapamasyal nang walang takot si Papa Gong, kasama niya si Doktora Pugita at ilang bagong kaibigan.

                         -----------WAKAS-----------

ARAL:

Ang ating buhay ay nakasalalay sa ating mga gawi at kaugalian. Habang patuloy naating ipinaparanas sa ating kapaligiran ang mala-basura nating pag-uugali, patuloy rin nitong ipararanas sa atin ang kanyang bagsaik sa pamamagitan ng mga kalamidad at epidemya. Ang mga susunod na henerasyon ang labis na maghihirap sa mga gawi ng kasalukuyan. Habang maaga pa, bigyan natin ng magandang kinabukasan ang ating mga apo, anak at kapatid sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa mga nilikha ng maykapal, higit lalo sa ating kalikasan.

 

 

No comments:

Post a Comment

Ang Alamat ng Sinturon ni Hudas

       ANG ALAMAT NG SINTURON NI HUDAS                     Alamat ni Kriztel Ramirez Sa lilib na lugar ng San Isidro ay kilala a...