Friday, December 18, 2020

Si Bredget, Ang Batang Mahilig sa Gadget


     Si Bredget, Ang Batang Mahilig sa Gadget
        Kwentong pambata ni: Jove Lou Casim

 Si Bredget ang nag-iisang anak ni Aling kuring at Tiyo Pasyo. Masaya silang namumuhay ng simple hanggang sa onti-onti ng lumaki itong si Bredget. Siya ay napakabuting bata at palaging nakikinig sa kanyang magulang. 

Isang araw, habang naghuhugas ng pinggan ay humiling si Bredget sa kanyang ina ng cellphone subalit kahit gustuhin ng ina ay hindi niya mabigyan ang anak dahil sapat lang ang pera nila para makakain ng tatlong beses sa isang araw.

Kinabukasan, umuwi si Bredget galing paaralan at muli na naman itong humiling ng cellphone. Naawa si Tiyo Pasyo sa anak kaya kahit walang pera ay pinilit niyang makahanap para mabilhan ang anak. Sobrang saya ni Bredget sa regalong binigay sa kanya ng ama.

"Salamat itay! Pangako pagbubutihin ko ang gawaing bahay" bulalas ni Bredget sa sobrang saya

Unang linggo ay masipag at masunurin parin si Bredget. Pag sapit ng ikalawang linggo ay kapansin-pansin ang pagiging tahimik nito at palaging nakatutok sa cellphone. Isinawalang bahala na lamang ng mag-asawa ang nasaksihan ngunit naulit nanaman ito ng naulit hanggang sa hindi na mautusan ang anak at palagi na lang mainit ang ulo nito sa kanyang magulang.

Isang beses ay inutusan ito ni Aling Kuring na kuskusan ang kaldero subalit makailang ulit na niya itong tinawag pero hindi parin nito nagagawa ang inuutos ng ina.

"Mamaya na!" Bigkas palagi ni Bredget sa tuwing inuutusan ng ina.

Hindi na sumagot ang ina at kinuskusan na lamang ng tahimik ang kaldero.

Sumunod na araw tinawag si Bredget ng ina upang kumain ngunit kahit ilang beses mang isigaw ang pangalan nito'y hindi ito nakikinig bagkus ay nabingi-bingihan ito. Pinuntahan ni Aling Kuring ang anak sa kwarto at doon natagpuan niya itong ngumingiti at tumatawa ng mag-isa habang hawak ang cellphone.

"Anak, bumangon kana diyan at kakain na tayo" mahinahong pakiusap ng ina

"Nay, kung gutom ako kakain ako" medyo iritang sagot ng bata

"Aba! Bredget hindi ko gusto ang sagot mong iyan sa akin"

"Sabi ko kasing mamaya na eh! Arrgghh!" Padabog itong lumabas sa kwarto at galit na kumain. Pagkatapos ay bumalik na ito sa kwarto.

Hindi na alam ng mag-asawa kung anu ang gagawin sa anak. Simula ng bilhan ito ng gadget ay nagbago na ito. Palaging mainit ang ulo, palasagot at hindi na mautusan. Hindi na ito ang dating anak na mabait at masunurin.

Sabado, inaya ng ina ang anak na kumain ng hapunan, katulad ng nakasanayan ay hindi nanaman ito nakikinig kaya pinuntahan nanaman ito ng ina sa kwarto.

"Bredget! Bredget! Puro kananaman gadget!" ani aling Kuring

Napansin ng ina na maputla ito at hindi gumagalaw kaya nilapitan niya ito at niyugyog. Doon ay napagtanto ng ina na may sakit ang anak dahil basang basa ito ng pawis.

Hindi kasya ang pera ng mag-asawa para kumunsulta sa doktor kaya buong araw nila itong inalagaan. Inaantok man ay gumigising si Aling Kuring ng madaling araw para kumustahin ang kalagayan ng anak.

Sa mag i-isang linggong may sakit si Bredget ay napag isip-isip niya na nasobrahan siya sa paggamit ng cellphone kaya paminsan-minsan ay humahapdi ang mata niya at nahihilo dahil na rin siguro sa mga araw na nagpapalampas siya sa pagkain. Nalaman niya din na ang perang pinangbili ng cellphone ay inutang pa kay Aling Josi kaya mas lumakas ang loob niyang labanan ang sarili at magbago.

Mula noon ay nililimitan na ni Bredget ang paggamit ng cellphone. Kung hindi naman kailangan ay hindi niya ito hinahawakan. Bumalik na rin ang sigla niya, nauutusan na rin ito at kumakain na sa tamang oras.

Ang Bredget na mahilig sa gadget ay nawala na at napalitan ng Bredget na masunurin, mabait at mapagmahal na anak.

                          ---------WAKAS----------


ARAL:

Sabi nga nila lahat ng sobra ay masama. Mas importante ang pamilya kaysa sa materyal na bagay. Kahit kailan ay hindi magiging mabuti ang sobra. Hindi solusyon ang materyal na bagay para makamit ang kasiyahan na hinahangad bagkus ay makikita ito sa pamilya na kalimitang hindi napapansin dahil kulang sa importansiya. Ugaliing balansihin ang mga bagay na makasasama at makabubuti sa pamilya pati narin sa sarili. 

No comments:

Post a Comment

Ang Alamat ng Sinturon ni Hudas

       ANG ALAMAT NG SINTURON NI HUDAS                     Alamat ni Kriztel Ramirez Sa lilib na lugar ng San Isidro ay kilala a...