Sunday, December 27, 2020

Ang Alamat ng Sinturon ni Hudas


       ANG ALAMAT NG SINTURON NI HUDAS
                    Alamat ni Kriztel Ramirez


Sa lilib na lugar ng San Isidro ay kilala ang Sitio Di-payapa ng Barangay Walang Katahimikan na isang lugar na puno ng karahasan. Hindi ang pamamahinga ng araw ang sukdulan ng kasamaan dahil sabi nga ng mga taga rito ay ito pa lamang ang simula.
Si Mang Hulas ang namumuno ng Baranggay, siya ay kinatatakutan dahil sa kanyang marahas na pamamalakad at pagkakastigo sa mga taong gustong kumalaban sa kanya. Marami ang mga taong gusto na siya patalsikin sa pwesto subalit dahil sa takot ay tumitiklop ang mga buto at mas pinipiling manahimik.
Saksi ang asawa ni Mang Hulas na si Aleng Belinda sa masasamang gawi ng kanyang asawa subalit sa halip na pigilan nito ay mas pinapaalab pa nito ang labis na paggamit ng kapangyarihan. Ginagamit din ni Belinda ang impluwensya ng kanyang asawa sa  kanyang kahibangan sa sugal.

Isang araw ay may nakitang pulubi habang rumuronda sina  si Mang Hulas at ang kanyang mga tanod. 

“Hoooy! Pulubi ano ang ginagawa mo dyan?! Sigaw niya habang nangangalkal ng basura ang kaawa-awang matanda upang maghanap ng makakain. 
“naghahanap lang po ng tira-tirang pagkain” nanginginig na boses at katawan habang sumasagot ang matanda
“Hindi mo ba alam na walang puwang ang katulad mong hampaslupa sa aming lugar?!” pabulyaw na may dalang pagsipa ang natamo ng matanda sa Kapitan.
“Sige! Damputin niyo ‘yan para sa langit na siya maghapunan” ang nakakainis na tawa nito
 “maawa po kayo, kaunting makakain lang naman po ang kailangan ko o kahit wala na basta ‘wag niyo lang akong saktan” nagmamakaawang pakiusap ng matanda

Umalis na lamang ang kapitan na tila walang narinig. Dali-dali naming dinampot ng mga tanod kahit na labag sa kanilang kalooban sapagkat namamayani rin ang takot nila sa Kapitan nilang mala-Hudas ang ugali.
Binitbit ng mga tanod papuntang plasa ang matanda dahil na rin sa iyon ang utos ni mang Kulas at kalimitan doon dinadala ang mga taong gusto niyang parusahan dahil sa paglabag aniya ng kanyang sariling batas.
 Tinipon niya ang mga tao roon upang masaksasihan ang pagkitil sa buhay ng matandang akala mo’y isang kriminal dahil sa sasapitin nito simpleng paghahanap ng makakain.
Marami ang labag sa loob gagawin niya subalit walang sinuman ang nais na umimik sa takot na baka sapitin nila ang parehong kapalaran sa matanda.

“Nakikita niyo ba ang pulubing ito?! Ito ang hindi niyo dapat tularan!” ang sigaw ng Kapitan sa mga nagtipon na tao.

“Sabi ng aking asawa na ang matandang ito ay walang habas na nagkakalat sa ating barangay” ang pagmamalditang sabi ni Aleng Belinda

“Hindi po totoo iyan, naghahanap lamang po ako ng makakain” pagdedepensa naman ng matanda sa sarili

“At sino ang nagbigay sayo ng karapatan sa sumagot sa akin ng ganyan!?” bulyaw ng kapitan sa nakagapos na matanda sabay suntok sa sikmura nito na nagbunsod upang humagulgol ang matanda sa sakit.

“Hindi lahat ng araw ay sa iyo at darating ang panahon na mismong kamatayan na ang kakatok sa pintuan mo dahil sa maling pagtrato mo sa iyong nasasakupan” ang pagbabanta ng matandang naghihintay na lamang ng kamatayan na buong lakas pa ring nanindigan

Nabigla ang lahat dahil siya ang kauna-unahang nakapagsabi ng ganoon sa kay Mang Kulas dahil kahit isa ay walang nagtatangkang magsalita kahit hindi na nila masikmura ang masahol pa sa hayop na ugali nito. 
Kaya naman dahil sa ginagawa ng matanda ay agad-agad na kinuha namumula sa galit na Kapitan ang kanyang sinturon at inilatak ito sa katawan ng matanda na nagpadanak sa dugo nito at unti-unti nang nalagutan ng hininga.

“Buti nga sayo! Iyan ang napapala ng mga taong walang respeto sa kanilang pinuno” Patawang sabi ni Aleng Belinda. 

Napuno ng bulong-bulungan sa plasa dahil sa kanilang nasaksakihan ng biglang..
“Ano ang pinag-uusapan niyo?! Gusto niyo bang matulad sa sinapit ng hambog na matandang ‘to!?” pananakot niya sa mga tao.

Kumaripas ng takbo ang mga tagaroon at nagsitago sa kanilang mga kabahayan dahil sa kung ano pa ang magawa sa kanila. 
Lumipas ang mga araw at sumapit ang buwan ng Disyembre. Habang naghahanda ang mga tao sa lugar para sa isang malaking piging, isang malakas na sigaw ang nagpatigil sa kanilang ginagawa na tila nagmumula sa bahay ng Kapitan.
“Araaay koo! Sobrang sakit” 

“boses ba yon ni Mang Hulas?” tanong ng isang residente roon

“Oo! Si Kapitan Hulas nga”

Nagtakbuhan sila papunta sa kinaroroonan nito at laking gulat sa kanilang nasilayan. Tila mga namamagang latak ng sinturon ang unti-unting bumabalot sa katawan ni Mang Hulas na siyang nagpapahina sa kanyang katawan. 

“Ano ang nangyari sa kanya Aleng Belinda?” nagtatakang tanong ng kanilang kapitbahay

“Hindi namin alam basta paggising niya kanina ay dumarami na ang mga ganyang pasa sa kanyang katawan” mangiyak-ngiyak na sambit ng asawa

Iniisip ng mga tao na marahil ito na ang araw ng paniningil ng langit sa kanyang pagiging lapastangan dito sa lupa.

Maghahatinggabi na noon at nasa gitna ng kasiyahan ang mga tao dahil sa pagsapit kapaskuhan ay siya ring pagsigaw ng “PATAWAD” ng kapitan hanggang sa malagutan ito ng hininga dahil sa iniindang sakit dulot ng hindi matukoy na karamdaman.

Pagtangis at pagdadalamhati ng pamilya ang pumuno sa buong baranggay. Kaya mula noon tuwing pasko at sa tuwing nakakarinig sila ng malakas na tunog ay sinasabi nilang ito ang pasakit ni Mang Kulas dahil sa kanyang walang awing pagpatay sa mga tao gamit ang kanyang sinturon.

Kaya binansagan nilang “Sinturon ni Hulas” ang mga paputok na naririnig dahil animo’y mga tangis ito ng galit na kaluluwa ng mga biktima ni Mang Hulas na ‘di kalauna’y tinawag nilang  “Sinturon ni Hudas” dahil sa parehong itim ang budhi nito ng nabubuhay pa.
Mula noon ay nabuhay na ang mga mamayaman ng San isidro nang tahimik at puno ng kapayapaan.

“Hindi sa pagiging Hudas maipapakita ang totoong Kapangyarihang wagas”

ARAL:

Hindi masama ang pagkakaroon ng kapangyarihan kundi ang paggamit nito sa kamalian. Minsan sa labis natin na paghahangad ng poder at pagsamba ng tao ay nakakalimutan nating maging mabuti. Masarap mamatay na alam mong nagamit mo ang ipinagkaloob na kapangyarihan sa kapwa at hindi sa pagpatay ng walang-awa.

No comments:

Post a Comment

Ang Alamat ng Sinturon ni Hudas

       ANG ALAMAT NG SINTURON NI HUDAS                     Alamat ni Kriztel Ramirez Sa lilib na lugar ng San Isidro ay kilala a...