Ang Palaka at ang Buwaya
Pabula ni: Jhonalee Obal
Si Kaka palaka ay isang mabait at matulunging palaka. Araw araw siyang naghahanap ng makakain sa tabi ng ilog, patalon talon sa mga bato, palipat lipat sa mga malalapad na dahon sa gitna ng ilog.
Isang araw ay nadatnan niya sa gilid ng ilog si Waya, isang buwayang sakim at masungit.
"Magandang umaga Waya" , masiglang bati niya rito subalit hindi man lamang siya nito binati pabalik, sa halip ay tinalikuran siya nito at muling bumalik sa tubig.
Hindi na iyon pinansin pa ni Kaka palaka sapagkat sanay na siya sa ugaling iyon ni Waya, sa katunayan ay wala nga itong kaibigan kahit na kapwa buwaya.
"Kumusta ka Kaka?" Magiliw namang tanong ni Pak tipaklong sa kanya.
"Maayos naman ako Pak tipaklong, nandito ako upang maghanap ng makakain." Sagot niya ng nakangiti kay Pak tipaklong ngunit kumunot ang noo nito.
"Hindi mo ba alam na ipinagbawal na ni Waya ang pagpunta at paghahanap ng pagkain sa bahaging ito ng ilog? Kanya raw ang lugar na ito at hindi na tayo maaari pang magpunta rito."
Napatingin sa kanyang paligid si Kaka palaka at napansin niyang nagsisi-alisan na nga ang iba pang hayop na naghahanap din ng makakain.
"Ang mabuti pa ay sumama ka na sa amin patungo sa kabilang bahagi ng ilog, hayaan na natin dito ang sakim na buwayang iyon."
Sumama nga si Kaka palaka sa kabilang bahagi ng ilog upang doon na maghanap ng pagkain.
Hapon na at gutom na gutom na si Kaka palaka subalit wala pa rin siyang nakukuhang pagkain, gayundin sina Pak tipaklong at ang iba pang hayop na naroon.
"Gutom na gutom na ako Pak tipaklong ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin tayong makain. Ano kaya kung makiusap tayo kay Waya upang bumalik sapagkat maraming pagkain doon?"
"Huwag na Kaka, baka tayo pa ang gawing hapunan ni Waya." Takot na sagot ni Pak tipaklong at muling bumalik sa paghahanap ng pagkain.
Madilim na nang magdesisyong umuwi si Kaka palaka. Dumaan siya sa bahagi ng ilog na pag-aari ni Waya at narinig ang mahinang paghikbi sa gilid. Hinanap niya ito at nakita si Waya na umiiyak at nahihirapang lumangoy dahil sa isang matulis na kahoy na nakatusok sa buntot nito.
Dahil sa nakita, hindi nagdalawang isip si Kaka palaka na tulungan ito. Kahit na nahihirapan at gutom ay sinubukan pa rin niyang tanggalin ang kahoy na nakatusok sa buntot ni Waya.
Matapos ang ilang minuto ay nagtagumpay si Kaka palaka at natigil na rin sa pag-iyak si Waya.
"Mabuti na lamang at nakita kita Waya, kung hindi, baka hanggang ngayon ay hindi pa rin natatanggal ang kahoy na iyon sa buntot mo."
"Maraming salamat sa pagtulong sa akin Kaka." Nahihiyang sabi ni Waya kay Kaka palaka.
"Kahit na hindi ako naging mabuti sa inyo at pinaalis ko kayo rito ay tinulungan mo pa rin ako, salamat."
"Walang anuman Waya, kahit sino namang mapadaan dito at makakita saiyo ay tutulungan ka." Nakangiting sagot ni Kaka palaka kay Waya.
"Kung maaari sana'y payagan mo na kaming bumalik dito sapagkat wala kaming makuhang pagkain doon sa kabilang bahagi ng ilog." Nakangiti pa ring pakiusap ni Kaka palaka kay Waya.
"Walang problema, bukas ay dito na muli kayo maghanap ng pagkain bilang kapalit ng kabutihan mo sa akin."
Masaya si Kaka palaka sa naging tugon ni Waya, saka nagpaalam na siya'y uuwi na.
Kinabukasan ay muli na ngang bumalik sina Kaka palaka, Pak tipaklong at ang iba pang hayop sa bahaging iyon ng ilog. Masaya silang nagku-kuwentuhan at nagtutulungan sa paghahanap ng pagkain.
Mula noon ay naging mabait na si Waya at nabawasan na rin ang pagiging masungit nito. Naging matalik na magkaibigan sina Kaka palaka at Waya buwaya.
-------WAKAS-------
ARAL:
Piliin ang tumulong sa kapwa kahit na hindi ito naging mabuti sa iyo, ang pagiging masama nito ay hindi isang dahilan upang ito ay talikuran sa oras ng pangangailangan.
No comments:
Post a Comment