Sunday, December 27, 2020

Ang Alamat ng Sinturon ni Hudas


       ANG ALAMAT NG SINTURON NI HUDAS
                    Alamat ni Kriztel Ramirez


Sa lilib na lugar ng San Isidro ay kilala ang Sitio Di-payapa ng Barangay Walang Katahimikan na isang lugar na puno ng karahasan. Hindi ang pamamahinga ng araw ang sukdulan ng kasamaan dahil sabi nga ng mga taga rito ay ito pa lamang ang simula.
Si Mang Hulas ang namumuno ng Baranggay, siya ay kinatatakutan dahil sa kanyang marahas na pamamalakad at pagkakastigo sa mga taong gustong kumalaban sa kanya. Marami ang mga taong gusto na siya patalsikin sa pwesto subalit dahil sa takot ay tumitiklop ang mga buto at mas pinipiling manahimik.
Saksi ang asawa ni Mang Hulas na si Aleng Belinda sa masasamang gawi ng kanyang asawa subalit sa halip na pigilan nito ay mas pinapaalab pa nito ang labis na paggamit ng kapangyarihan. Ginagamit din ni Belinda ang impluwensya ng kanyang asawa sa  kanyang kahibangan sa sugal.

Isang araw ay may nakitang pulubi habang rumuronda sina  si Mang Hulas at ang kanyang mga tanod. 

“Hoooy! Pulubi ano ang ginagawa mo dyan?! Sigaw niya habang nangangalkal ng basura ang kaawa-awang matanda upang maghanap ng makakain. 
“naghahanap lang po ng tira-tirang pagkain” nanginginig na boses at katawan habang sumasagot ang matanda
“Hindi mo ba alam na walang puwang ang katulad mong hampaslupa sa aming lugar?!” pabulyaw na may dalang pagsipa ang natamo ng matanda sa Kapitan.
“Sige! Damputin niyo ‘yan para sa langit na siya maghapunan” ang nakakainis na tawa nito
 “maawa po kayo, kaunting makakain lang naman po ang kailangan ko o kahit wala na basta ‘wag niyo lang akong saktan” nagmamakaawang pakiusap ng matanda

Umalis na lamang ang kapitan na tila walang narinig. Dali-dali naming dinampot ng mga tanod kahit na labag sa kanilang kalooban sapagkat namamayani rin ang takot nila sa Kapitan nilang mala-Hudas ang ugali.
Binitbit ng mga tanod papuntang plasa ang matanda dahil na rin sa iyon ang utos ni mang Kulas at kalimitan doon dinadala ang mga taong gusto niyang parusahan dahil sa paglabag aniya ng kanyang sariling batas.
 Tinipon niya ang mga tao roon upang masaksasihan ang pagkitil sa buhay ng matandang akala mo’y isang kriminal dahil sa sasapitin nito simpleng paghahanap ng makakain.
Marami ang labag sa loob gagawin niya subalit walang sinuman ang nais na umimik sa takot na baka sapitin nila ang parehong kapalaran sa matanda.

“Nakikita niyo ba ang pulubing ito?! Ito ang hindi niyo dapat tularan!” ang sigaw ng Kapitan sa mga nagtipon na tao.

“Sabi ng aking asawa na ang matandang ito ay walang habas na nagkakalat sa ating barangay” ang pagmamalditang sabi ni Aleng Belinda

“Hindi po totoo iyan, naghahanap lamang po ako ng makakain” pagdedepensa naman ng matanda sa sarili

“At sino ang nagbigay sayo ng karapatan sa sumagot sa akin ng ganyan!?” bulyaw ng kapitan sa nakagapos na matanda sabay suntok sa sikmura nito na nagbunsod upang humagulgol ang matanda sa sakit.

“Hindi lahat ng araw ay sa iyo at darating ang panahon na mismong kamatayan na ang kakatok sa pintuan mo dahil sa maling pagtrato mo sa iyong nasasakupan” ang pagbabanta ng matandang naghihintay na lamang ng kamatayan na buong lakas pa ring nanindigan

Nabigla ang lahat dahil siya ang kauna-unahang nakapagsabi ng ganoon sa kay Mang Kulas dahil kahit isa ay walang nagtatangkang magsalita kahit hindi na nila masikmura ang masahol pa sa hayop na ugali nito. 
Kaya naman dahil sa ginagawa ng matanda ay agad-agad na kinuha namumula sa galit na Kapitan ang kanyang sinturon at inilatak ito sa katawan ng matanda na nagpadanak sa dugo nito at unti-unti nang nalagutan ng hininga.

“Buti nga sayo! Iyan ang napapala ng mga taong walang respeto sa kanilang pinuno” Patawang sabi ni Aleng Belinda. 

Napuno ng bulong-bulungan sa plasa dahil sa kanilang nasaksakihan ng biglang..
“Ano ang pinag-uusapan niyo?! Gusto niyo bang matulad sa sinapit ng hambog na matandang ‘to!?” pananakot niya sa mga tao.

Kumaripas ng takbo ang mga tagaroon at nagsitago sa kanilang mga kabahayan dahil sa kung ano pa ang magawa sa kanila. 
Lumipas ang mga araw at sumapit ang buwan ng Disyembre. Habang naghahanda ang mga tao sa lugar para sa isang malaking piging, isang malakas na sigaw ang nagpatigil sa kanilang ginagawa na tila nagmumula sa bahay ng Kapitan.
“Araaay koo! Sobrang sakit” 

“boses ba yon ni Mang Hulas?” tanong ng isang residente roon

“Oo! Si Kapitan Hulas nga”

Nagtakbuhan sila papunta sa kinaroroonan nito at laking gulat sa kanilang nasilayan. Tila mga namamagang latak ng sinturon ang unti-unting bumabalot sa katawan ni Mang Hulas na siyang nagpapahina sa kanyang katawan. 

“Ano ang nangyari sa kanya Aleng Belinda?” nagtatakang tanong ng kanilang kapitbahay

“Hindi namin alam basta paggising niya kanina ay dumarami na ang mga ganyang pasa sa kanyang katawan” mangiyak-ngiyak na sambit ng asawa

Iniisip ng mga tao na marahil ito na ang araw ng paniningil ng langit sa kanyang pagiging lapastangan dito sa lupa.

Maghahatinggabi na noon at nasa gitna ng kasiyahan ang mga tao dahil sa pagsapit kapaskuhan ay siya ring pagsigaw ng “PATAWAD” ng kapitan hanggang sa malagutan ito ng hininga dahil sa iniindang sakit dulot ng hindi matukoy na karamdaman.

Pagtangis at pagdadalamhati ng pamilya ang pumuno sa buong baranggay. Kaya mula noon tuwing pasko at sa tuwing nakakarinig sila ng malakas na tunog ay sinasabi nilang ito ang pasakit ni Mang Kulas dahil sa kanyang walang awing pagpatay sa mga tao gamit ang kanyang sinturon.

Kaya binansagan nilang “Sinturon ni Hulas” ang mga paputok na naririnig dahil animo’y mga tangis ito ng galit na kaluluwa ng mga biktima ni Mang Hulas na ‘di kalauna’y tinawag nilang  “Sinturon ni Hudas” dahil sa parehong itim ang budhi nito ng nabubuhay pa.
Mula noon ay nabuhay na ang mga mamayaman ng San isidro nang tahimik at puno ng kapayapaan.

“Hindi sa pagiging Hudas maipapakita ang totoong Kapangyarihang wagas”

ARAL:

Hindi masama ang pagkakaroon ng kapangyarihan kundi ang paggamit nito sa kamalian. Minsan sa labis natin na paghahangad ng poder at pagsamba ng tao ay nakakalimutan nating maging mabuti. Masarap mamatay na alam mong nagamit mo ang ipinagkaloob na kapangyarihan sa kapwa at hindi sa pagpatay ng walang-awa.

Friday, December 18, 2020

Si Papa Gong at Ang Kanyang Mga Kaibigan


    Si Papa Gong at Ang Kanyang Mga Kaibigan
          Kwentong pambata ni: Joanna Barbacena


                                  Mula nang mapasukan ng straw ang ilong ni Papa Gong, bihira na lamang siyang mamasyal sa ibabaw ng karagatan sa takot na mapahamak ulit dahil sa mga basurang tao. Ilang araw rin siyang nananatili sa kanyang bahay para maiwasan ang mga ganoong problema.

Isang araw, habang nag hahanap ng pagkain si Papa Gong, nakasalubong niya si Doktora Pugita.

“Masarap mamasyal ngayon dahil walang katao-tao. Nababawasan narin ang mga basura sa ating lugar dahil wala nang dumudumi rito,” ani Doktora Pugita.

Sinabi ito ni Papa Gong kina Luz Bangus at Patty Pating. “Magandang balita. Maaari na ulit tayong mamasyal sa ibabaw ng karagatan”, masayang sabi ni Luz Bangus.

Kahit may kaunting takot parin, namasyal ang magkaibigan sa karagatan. Hindi na nila pinasama si Papa Gong dahil nag papagaling pa ito sa kanyang namamagang ilong. Nangako naman ang dalawa na dadalhan siya nito ng pagkain.

“Hayyyyy. Ang sarap ng hangin.” wika ni Patty Pating.

 Ilang oras din silang nagpaikot-ikot sa ibabaw ng karagatan. Marami silang nakakasalubong na namamasyal din. Kapag nakakakita sila ng basura, dali-dali silang umiiwas dito. May isang pagkakataon na nakarinig sila ng tunog ng isang bangka. Dali-dali silang lumangoy pailalim para maiwasan narin ang parating na panganib. Nagpatuloy sa paglangoy ang dalawa.

Hindi nila alam na sinusundan sila ni Papa Gong at nang lumangoy pailailim ang dalawa ay hindi na niya ito nakita pa kaya mag-isa na lamang siyang namasyal. Marami siyang nakitang kung ano-anong bagay pero takot na takot siyang hawakan ang mga ito. Napagod sa paglangoy si Papa Gong kaya nagpahinga muna siya sa isang bato. Totoo nga ang sinabi ni Doktora Pugita. Wala siyang nakitang taong lumalangoy at naglalaro sa dagat pero may mga kaunting basura parin.

“Sana ganito lagi. ”sabi ni Papa Gong.

Natapos ang araw na iyon nang masaya. Walang masamang nangyari at lahat sila ay ligtas na nakauwi sa kanilang bahay. Hindi narin nalaman nina Patty Pating at Luz Bangus na sinundan sila ni Papa Gong.

Dahil sa sobrang tuwa,nag-usap sina Papa Gong, Luz Bangus, at Patty Pating na mamasyal ulit nang sama-sama. Niyaya ni Papa Gong si Doktora Pugita para mapasalamatan narin sa pagtanggal nito ng straw sa kaniyang ilong. Pumayag naman si Doktora Pugita.

Kinaumagahan, handa na ang apat para mamasyal. Tuwang-tuwa sila habang lumalangoy papunta sa ibabaw ng dagat. Mula sa ‘di kalayuan, nakakita si Papa Gong ng mga taong nagtitipon-tipon.

“Huwag tayo rito! Maraming tao!, ”takot na takot nasabi ni  Papa Gong sa tatlo niyang kasama.

 Hindi ito pinakinggan nina Patty Pating at Luz Bangus.  Hindi na gumalaw pa si Papa Gong sa takot na baka makakain ulit siya ng basura. Hinintay niyang bumalik sina Luz Bangus at Patty Pating. Habang papalayo ang dalawa, nakaamoy si Doktora Pugita ng masangsang na amoy.

”Aha! Alam ko ang amoy na ito!” wika ni Doktora Pugita.

Maya-maya ay naamoy narin ito ni Papa Gong.

“Ano ang amoy na ‘yan Doktora Pugita? ”

tanong ni Papa Gong.

“Sigurado ako na amoy ‘yan ng mga kemikal na nahalo

 na sa tubig-dagat,” tugon ni Doktora Pugita.

“Saan galing ang kemikal Doktora Pugita?” tanong ulit ni Papa Gong.

“Galing sa pabrika at mga lugar na gumagamit ng mga kemikal. Masama ito para sa atin maging sa mga tao, ”tugon naman ng Doktora.

Nang marinig ito ni Papa Gong ay dali-dali niyang hinabol sina Luz Bangus at Patty Pating. Pero huli na ang lahat dahil nalason na ang dalawang kaibigan. Kasama ng iba pang isda, sina Luz Bangus at Patty Pating ay nag palutang-luting sa malapit sa dalampasigan. Maraming tao ang nakapalibot sa mga patay na isda.

Lumangoy papunta sa malaking bato si Papa Gong; malayong-malayo sa mga tao. Hindi napigilan ni Papa Gong na maiyak. Ang kanyang mga kaibigan na sina Luz Bangus at Patty Pating ay wala na. Malungkot na umuwi si Papa Gong kasama si Doktora Pugita.

“Kailangan nila itong pagbayaran! ”galit na sabi ni Papa Gong.

“Ang Reyna na ang bahala sa kanila, ”sagot ni Doktora Pugita.

Hindi nila alam na nakita ng Reyna ng Kalikasan ang lahat. Nakita niya kung paano itinapon ng tao ang basura na galing sa pabrika. Kaya pinarusahan niya ang mga ito. Nagkaroon ng iba’t ibang sakit tulad ng kolera at malarya, particular

sa bayan na pinagmumulan ng mga kemikal na nakakalason. Ang sakit na ito ay galing sa maruming tubig na iniinom o ginagamit. Dahil dito, natakot ang mga tao.

Araw-araw ay nananalangin sila sa kanya-kanya nilang bahay. Kasabay ng pagdarasal, unit-unti nilang inayos ang kapaligiran. Nilinis nila ang dalampasigan. Nakiusap ang mga residente sa mga pabrika na iwasan ang paggamit ng masasamang kemikal o ‘di kaya’y itapon nang maayos ang mga basura nito sa tamang lugar; malayo sa tao, malayo sa karagatan. Gumawa rin ng alituntunin ang kanilang barangay tungkol sa pagtapon ng basura.

Nakita ng Reyna ng Kalikasan na bumabalik na ang pagmamalasakit ng mga tao sa kanilang kapaligiran. Makalipas ang ilang buwan, naging malinis na ulit ang tubig na binibigay ng Reyna ng Kalikasan sa mga taong baying iyon.

Isang araw, habang naghahanap ng pagkain si Papa Pagong , nakasalubong niya ulit si Doktora Pugita.

“Masarap mamasyal ngayon kahit may mga tao. Natuto na silang pahalagahan ang kalikasan kaya unti-unti nang nawawala ang mga basura. Hindi narin sila nagtatapon ng mga nakakalasong kemikal sa karagatan, ”ani Doktora Pugita.

Napangiti na lamang si Papa Gong. Naalala niya sina Luz Bangus at Patty Pating.

“Hayyyy. Napakagandang balita. ”Mahinang sabi ni Papa Gong sa kanyang sarili.

Mula noon ay Malaya nang nakakapamasyal nang walang takot si Papa Gong, kasama niya si Doktora Pugita at ilang bagong kaibigan.

                         -----------WAKAS-----------

ARAL:

Ang ating buhay ay nakasalalay sa ating mga gawi at kaugalian. Habang patuloy naating ipinaparanas sa ating kapaligiran ang mala-basura nating pag-uugali, patuloy rin nitong ipararanas sa atin ang kanyang bagsaik sa pamamagitan ng mga kalamidad at epidemya. Ang mga susunod na henerasyon ang labis na maghihirap sa mga gawi ng kasalukuyan. Habang maaga pa, bigyan natin ng magandang kinabukasan ang ating mga apo, anak at kapatid sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa mga nilikha ng maykapal, higit lalo sa ating kalikasan.

 

 

Si Bredget, Ang Batang Mahilig sa Gadget


     Si Bredget, Ang Batang Mahilig sa Gadget
        Kwentong pambata ni: Jove Lou Casim

 Si Bredget ang nag-iisang anak ni Aling kuring at Tiyo Pasyo. Masaya silang namumuhay ng simple hanggang sa onti-onti ng lumaki itong si Bredget. Siya ay napakabuting bata at palaging nakikinig sa kanyang magulang. 

Isang araw, habang naghuhugas ng pinggan ay humiling si Bredget sa kanyang ina ng cellphone subalit kahit gustuhin ng ina ay hindi niya mabigyan ang anak dahil sapat lang ang pera nila para makakain ng tatlong beses sa isang araw.

Kinabukasan, umuwi si Bredget galing paaralan at muli na naman itong humiling ng cellphone. Naawa si Tiyo Pasyo sa anak kaya kahit walang pera ay pinilit niyang makahanap para mabilhan ang anak. Sobrang saya ni Bredget sa regalong binigay sa kanya ng ama.

"Salamat itay! Pangako pagbubutihin ko ang gawaing bahay" bulalas ni Bredget sa sobrang saya

Unang linggo ay masipag at masunurin parin si Bredget. Pag sapit ng ikalawang linggo ay kapansin-pansin ang pagiging tahimik nito at palaging nakatutok sa cellphone. Isinawalang bahala na lamang ng mag-asawa ang nasaksihan ngunit naulit nanaman ito ng naulit hanggang sa hindi na mautusan ang anak at palagi na lang mainit ang ulo nito sa kanyang magulang.

Isang beses ay inutusan ito ni Aling Kuring na kuskusan ang kaldero subalit makailang ulit na niya itong tinawag pero hindi parin nito nagagawa ang inuutos ng ina.

"Mamaya na!" Bigkas palagi ni Bredget sa tuwing inuutusan ng ina.

Hindi na sumagot ang ina at kinuskusan na lamang ng tahimik ang kaldero.

Sumunod na araw tinawag si Bredget ng ina upang kumain ngunit kahit ilang beses mang isigaw ang pangalan nito'y hindi ito nakikinig bagkus ay nabingi-bingihan ito. Pinuntahan ni Aling Kuring ang anak sa kwarto at doon natagpuan niya itong ngumingiti at tumatawa ng mag-isa habang hawak ang cellphone.

"Anak, bumangon kana diyan at kakain na tayo" mahinahong pakiusap ng ina

"Nay, kung gutom ako kakain ako" medyo iritang sagot ng bata

"Aba! Bredget hindi ko gusto ang sagot mong iyan sa akin"

"Sabi ko kasing mamaya na eh! Arrgghh!" Padabog itong lumabas sa kwarto at galit na kumain. Pagkatapos ay bumalik na ito sa kwarto.

Hindi na alam ng mag-asawa kung anu ang gagawin sa anak. Simula ng bilhan ito ng gadget ay nagbago na ito. Palaging mainit ang ulo, palasagot at hindi na mautusan. Hindi na ito ang dating anak na mabait at masunurin.

Sabado, inaya ng ina ang anak na kumain ng hapunan, katulad ng nakasanayan ay hindi nanaman ito nakikinig kaya pinuntahan nanaman ito ng ina sa kwarto.

"Bredget! Bredget! Puro kananaman gadget!" ani aling Kuring

Napansin ng ina na maputla ito at hindi gumagalaw kaya nilapitan niya ito at niyugyog. Doon ay napagtanto ng ina na may sakit ang anak dahil basang basa ito ng pawis.

Hindi kasya ang pera ng mag-asawa para kumunsulta sa doktor kaya buong araw nila itong inalagaan. Inaantok man ay gumigising si Aling Kuring ng madaling araw para kumustahin ang kalagayan ng anak.

Sa mag i-isang linggong may sakit si Bredget ay napag isip-isip niya na nasobrahan siya sa paggamit ng cellphone kaya paminsan-minsan ay humahapdi ang mata niya at nahihilo dahil na rin siguro sa mga araw na nagpapalampas siya sa pagkain. Nalaman niya din na ang perang pinangbili ng cellphone ay inutang pa kay Aling Josi kaya mas lumakas ang loob niyang labanan ang sarili at magbago.

Mula noon ay nililimitan na ni Bredget ang paggamit ng cellphone. Kung hindi naman kailangan ay hindi niya ito hinahawakan. Bumalik na rin ang sigla niya, nauutusan na rin ito at kumakain na sa tamang oras.

Ang Bredget na mahilig sa gadget ay nawala na at napalitan ng Bredget na masunurin, mabait at mapagmahal na anak.

                          ---------WAKAS----------


ARAL:

Sabi nga nila lahat ng sobra ay masama. Mas importante ang pamilya kaysa sa materyal na bagay. Kahit kailan ay hindi magiging mabuti ang sobra. Hindi solusyon ang materyal na bagay para makamit ang kasiyahan na hinahangad bagkus ay makikita ito sa pamilya na kalimitang hindi napapansin dahil kulang sa importansiya. Ugaliing balansihin ang mga bagay na makasasama at makabubuti sa pamilya pati narin sa sarili. 

Ang Alamat ng Kuliglig


                     Ang Alamat ng Kuliglig
                        ni: Jesselyn Mañago

Masaya ang lahat ngunit habang tumatagal, napapansin ni Prinsipe Kulig na nagiging sentro na ng atensyon si Ligaya. Hinahanap hanap siya ng mga panauhin lalo na kapag hindi siya nakakapagtanghal kasama ng prinsipe. 

Pakiramdam niya ay nawawala na ang paghanga sa kaniya. Maging ang hari at reyna ay laging bukambibig si Ligaya.

Nakaramdam ng inggit ang prinsipe. Mahal niya si Ligaya ngunit masyado siyang nasanay na siya ang paborito ng lahat. Hindi niya matanggap na ang babaeng bumihag sa puso niya ay siya ring aagaw sa papuri na dating sa kaniya lamang iginagawad.

Naghari ang galit at inggit sa puso ng prinsipe, kaya’t sa muling pagbisita ni Ligaya sa kaharian ay naging masama ang kaniyang pagtanggap dito. Hindi niya ito pinasali sa kanilang pagtatanghal. At dahil walang tugtugin, hindi rin nito nagawang sumayaw. 

Matapos ang pagdiriwang ay sinubukan siyang kausapin ni Ligaya subalit sinigawan lamang niya ito,
“Lumayas ka! Hindi ko na pinahihintulutan ang pagpasok mo sa kaharian ko!” sabay lakad niya palayo.

Malungkot na umalis si Ligaya. Hindi naglaon ay napagtanto ng prinsipe ang nahawa niyang mali. Sinubukan niyang hanapin si Ligaya ngunit hindi niya alam kung saan ito nakatira. Nagsisi ang prinsipe. Higit na mahal niya pala ang dalaga kaysa sa papuring natatanggap niya. 

Sinuyod niya lahat ng palasyo, malapit man o malayo, at madalas siyang maghanap sa mga kagubatan, umaaasang nandoon ang minamahal, nakatanaw sa mga bulaklak. 

Sa kaniyang paghahanap ay palagi siyang nag-aalay ng tugtugin, nagbabaka-sakali na marinig ito ni Ligaya at bumalik sa kaniya.

Dahil sa matinding lungkot ay nagkasakit ang prinsipe. Gayunpaman, hindi ito tumigil sa paghahanap. Nangako siyang habambuhay na hahanapin at susuyuin ang dalaga. Isang gabi ay mag-isa itong naghanap sa kagubatan at hindi na bumalik pa. 

Nang gabi ring iyon, dinig sa palasyo ang musika mula sa kagubatan. Tuloy tuloy at tila walang balak matapos. Sa mga sumunod na gabi ay patuloy parin sa pagtugtog ang nasabing musika.

Ayon sa mga kuwento sa kaharian, marahil ay isinumpa ng prinsipe ang kaniyang sarili upang maging isang nilalang na gabi-gabing maghahanap sa magandang dalaga.

Kapag naririnig ng reyna ang tunog na iyon tuwing gabi, humihikbi ito habang sinasabi “Si Kulig iyon, si Kulig” na sa pagtagal ng panahon ay naging Kuliglig. 

Hanggang ngayon ay maririnig parin ang tugtugin. Patuloy sa paghahanap ang prinsipe upang humingi ng tawad at makasama muli ang minamahal.

                       ---------WAKAS---------


ARAL:

Ang pag-ibig ang pinakamagandang karangalan na hindi mapapalitan ng anuman. Hindi kailanman magkakaroon ng magandang bunga ang inggit.

Ang Palaka at ang Buwaya


                    Ang Palaka at ang Buwaya
                      Pabula ni: Jhonalee Obal

Si Kaka palaka ay isang mabait at matulunging palaka. Araw araw siyang naghahanap ng makakain sa tabi ng ilog, patalon talon sa mga bato, palipat lipat sa mga malalapad na dahon sa gitna ng ilog.

Isang araw ay nadatnan niya sa gilid ng ilog si Waya, isang buwayang sakim at masungit.

"Magandang umaga Waya" , masiglang bati niya rito subalit hindi man lamang siya nito binati pabalik, sa halip ay tinalikuran siya nito at muling bumalik sa tubig.

Hindi na iyon pinansin pa ni Kaka palaka sapagkat sanay na siya sa ugaling iyon ni Waya, sa katunayan ay wala nga itong kaibigan kahit na kapwa buwaya.

"Kumusta ka Kaka?" Magiliw namang tanong ni Pak tipaklong sa kanya. 

"Maayos naman ako Pak tipaklong, nandito ako upang maghanap ng makakain." Sagot niya ng nakangiti kay Pak tipaklong ngunit kumunot ang noo nito.

"Hindi mo ba alam na ipinagbawal na ni Waya ang pagpunta at paghahanap ng pagkain sa bahaging ito ng ilog? Kanya raw ang lugar na ito at hindi na tayo maaari pang magpunta rito." 

Napatingin sa kanyang paligid si Kaka palaka at napansin niyang nagsisi-alisan na nga ang iba pang hayop na naghahanap din ng makakain. 

"Ang mabuti pa ay sumama ka na sa amin patungo sa kabilang bahagi ng ilog, hayaan na natin dito ang sakim na buwayang iyon."

Sumama nga si Kaka palaka sa kabilang bahagi ng ilog upang doon na maghanap ng pagkain.
Hapon na at gutom na gutom na si Kaka palaka subalit wala pa rin siyang nakukuhang pagkain, gayundin sina Pak tipaklong at ang iba pang hayop na naroon. 

"Gutom na gutom na ako Pak tipaklong ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin tayong makain. Ano kaya kung makiusap tayo kay Waya upang bumalik sapagkat maraming pagkain doon?"

"Huwag na Kaka, baka tayo pa ang gawing hapunan ni Waya." Takot na sagot ni Pak tipaklong at muling bumalik sa paghahanap ng pagkain.

Madilim na nang magdesisyong umuwi si Kaka palaka. Dumaan siya sa bahagi ng ilog na pag-aari ni Waya at narinig ang mahinang paghikbi sa gilid. Hinanap niya ito at nakita si Waya na umiiyak at nahihirapang lumangoy dahil sa isang matulis na kahoy na nakatusok sa buntot nito.

Dahil sa nakita, hindi nagdalawang isip si Kaka palaka na tulungan ito. Kahit na nahihirapan at gutom ay sinubukan pa rin niyang tanggalin ang kahoy na nakatusok sa buntot ni Waya. 
Matapos ang ilang minuto ay nagtagumpay si Kaka palaka at natigil na rin sa pag-iyak si Waya.

"Mabuti na lamang at nakita kita Waya, kung hindi, baka hanggang ngayon ay hindi pa rin natatanggal ang kahoy na iyon sa buntot mo."

"Maraming salamat sa pagtulong sa akin Kaka." Nahihiyang sabi ni Waya kay Kaka palaka.

"Kahit na hindi ako naging mabuti sa inyo at pinaalis ko kayo rito ay tinulungan mo pa rin ako, salamat." 

"Walang anuman Waya, kahit sino namang mapadaan dito at makakita saiyo ay tutulungan ka." Nakangiting sagot ni Kaka palaka kay Waya.

"Kung maaari sana'y payagan mo na kaming bumalik dito sapagkat wala kaming makuhang pagkain doon sa kabilang bahagi ng ilog." Nakangiti pa ring pakiusap ni Kaka palaka kay Waya.

"Walang problema, bukas ay dito na muli kayo maghanap ng pagkain bilang kapalit ng kabutihan mo sa akin." 

Masaya si Kaka palaka sa naging tugon ni Waya, saka nagpaalam na siya'y uuwi na.

Kinabukasan ay muli na ngang bumalik sina Kaka palaka, Pak tipaklong at ang iba pang hayop sa bahaging iyon ng ilog. Masaya silang nagku-kuwentuhan at nagtutulungan sa paghahanap ng pagkain.

Mula noon ay naging mabait na si Waya at nabawasan na rin ang pagiging masungit nito. Naging matalik na magkaibigan sina Kaka palaka at Waya buwaya.

                             -------WAKAS-------


ARAL:

Piliin ang tumulong sa kapwa kahit na hindi ito naging mabuti sa iyo, ang pagiging masama nito ay hindi isang dahilan upang ito ay talikuran sa oras ng pangangailangan.

Ang Alamat ng Sinturon ni Hudas

       ANG ALAMAT NG SINTURON NI HUDAS                     Alamat ni Kriztel Ramirez Sa lilib na lugar ng San Isidro ay kilala a...